QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Patay ang isang babaeng pulis matapos itong pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang driving in tandem sa kahabaan ng Maynila.

Kinilala ang biktima na si Po1 Jorsan Marie Alafriz na nakatalaga sa Barbosa PCP Manila Police District (MPD) Station three bilang isang beat patroller.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng MPD murder desk, diumano’y lulan ng kanyang sasakyan si Alafriz nang ito ay pinagbabaril ng dalawang magkaangkas sa motorsiklo pasado 10:00 kagabi (Marso 19), sa Sta. Cruz, kaya naman bumangga ang kotse nito sa isang tricycle.

Agad namang rumesponde ang mga nakakita sa pangyayari at naisugod pa ang biktima sa Jose Reyes Medical Center.

Hindi na ito umabot ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa kanyang ulo at mukha.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang 13 basyo na mula sa isang 9mm na kalibre ng isang baril na ginamit ng mga suspek sa pagpatay sa biktima.

Nakuha rin ang service firearms ng biktima sa crime scene.

Sa ngayon ay inaalam pa ng mga pulis ang motibo sa pagpatay kay Alafriz.

Source: eaglenewsph

SHARE